5 Tips para sa Entrepreneur sa harap ng Krisis sa Covid 19

ni Homer Nievera, CDE, CVM | KUMUSTA, ka-negos­yo? Kung taga-Metro Manila ka at ang iyong negosyo ay nasa isa sa mga siyudad dito o gaya nito, malamang ay nangangapa ka kung ano’ng gagawin mo at ng mga empleyado mo. Malamang, naghahanda ka na para sa maaari pang mangyari dahil sa krisis na ito.
Huminahon ka muna. Magdasal. Katulad mo rin akong entrepreneur at totoo ngang may epekto ang krisis na ito sa ating pagnenegosyo. Narito ang ilang tips na maaari mong pagnilayan at magamit. Tara!

#1 Sumunod sa isinasaad ng kinauukulan o awtoridad

Ang pagsasailalim sa community quarantine ng Metro Manila ay may pinanggagalingan at pinag-aralan. Maaaring napapansin mo ang med­yo kakulan-gan sa linaw ng implementasyon ng kautusan ni PRRD, pero ganoon talaga. Lahat kasi apektado at wala naman sa manual ang krisis na tulad nito. Ang mahalaga ay ang kooperasyon ng lahat. ‘Yan ang una mong gawin at dito mo isusunod ang mga susunod na hakbang.
Kung kailangan mo munang magsara ng opisina o branch o outlet, gawin mo.
Ang kalusugan at buhay muna ang pahalagahan dahil ang negosyo ay maiaangat at maibabalik. Ang buhay ay hindi napapalitan.

#2 Komunikasyon sa kostumer at empleyado

Dahil nga bago ang ganitong krisis, lahat ay nangangapa. Ngunit sa panahong ito, mas lalo kang dapat maging tunay na lider. Unahin mo ang tamang komunikasyon sa iyong mga tauhan, kostumer, partner at suplayer.
Kailangang maisaad mo ang iyong tunay na sitwasyon at iayon sa sitwasyon din nila. Ha­limbawa, kung nasa mall ang iyong negosyo, malamang maapektuhan ka ng curfew o kaya’y daloy ng tao. Kung dati, mara­ming tao ang pumapasok sa mall, baka kumaunti na ito nang husto o kaya’y mawala dahil sa posibilidad ng pansamantalang pagsasara nito. Prayoridad naman kasi talaga ang kalusugan ng lahat.
Kung ikaw ay may polisiya o programang nagde-deliver ka sa mga kostumer, ayusin ang sistema nito dahil ‘di mo rin alam kung sino ang maka­kahawa kanino. May protocol naman dito na dapat sundin gaya ng “social distancing” at ang paggamit ng alcohol o hand sanitizer at face mask.
Sa mga gawaing mababago, siguraduhing maayos at klaro ang komunikasyon ukol dito.

#3 Remote o Work-from-Home

Maraming kompanya ngayon ang nagdesisyong mag-work-from-home na muna upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19. Alam mo naman siguro ang kahalagahan ng pagsasaayos ng setup na ito. Malamang naman kasi na ‘di aayon ito sa lahat ng tauhan mo. Pero ang mga ibang gawain gaya ng admin, IT, finance, marketing at iba pa ay puwede nang gawin sa bahay nila muna. Ang mahalaga ay ang pagkakaroon nila ng access sa Internet, PC at mobile phone.
Sa gaya kong digital ang trabaho at negosyo, ang mga tauhan ko at partners ay noong isang taon pa naka-work-from-home. Ako naman ay halos tatlong taon na naka-work-from-home, bukod sa pa­lagi kasi akong nasa biyahe.
Pag-aralan mong mabuti ang sistema ukol dito. Kung kailangan mong mag-invest ng ilang gamit para sa mga tao mo, gawin mo. ‘Di kasi natin alam kung hanggang kailan ang krisis na ito.
#3 Digital transformation
Maraming uri ng digital transformation na maaari mong gawin sa iyong negosyo. Sa totoo lang, dapat dati mo pa ito sinimulan.
Ang paggamit ng cloud servers, halimbawa, ay kasama rito. Ang paglagay sa cloud ng datos mo ay mura na lang at may iba’t ibang uri ng seguridad. Kasama na rito ang iba’t ibang sistema na magagamit mo sa accounting, finance, payroll at pati na sa marketing at sales.
Ang simpleng simula ng digital transformation sa larangan ng sales at marketing ay ang paggamit ng social media, email marketing, at siyempre, ang iyong website. Ang pagpapalakas ng mga ito ay mahalaga lalo na sa mga panahong ito. Kaya naman sa aking negosyo, ‘di ako nahirapang mag-adjust sa krisis ng COVID-19 ay dahil matagal na akong naka-setup para rito.
Sa ngayon, wala ka namang magagawa kundi gawin na ito kaagad. Kasi kung ma-lockdown ang iyong komunidad o ang mismong gusali kung saan nakalagak ang iyong opisina, tiyak na makatutulong ang mga digital na solus­yon, lalo pa’t nasa cloud ang mga ito.

#4 Panahon ng pagmumuni-muni at pagsasaayos ng mga plano at bagay-bagay

May mga kaibigan akong nasa negosyo ng events, travel at iba pa na lubos na apektado ng krisis dahil bawal ang malalaking pagtitipon. Isang kilala ko ay isang travel agency na may trips patu­ngong Europe na sentro na ng coronavirus. Isa pang kilala ko naman ay may pitong events na na-cancel. Ako mismo ay mga tatlong events kung saan kami ay may booth ang na-cancel na rin.
Ano’ng gagawin mo sa sitwasyon na ganito?
Ang maipapayo ko ay ang pagmumuni-muni muna kung ano ang mga susunod na hakbang ukol sa buong negosyo. Baka naman kailangang magkaroon ng ibang sangay ang negosyo mo na ‘di nakadepende sa maraming tao. Halimbawa, ang virtual travel agency kung saan ang mga tao ay tila nagpunta sa isang lugar ngunit ‘virtual’ lamang.
Ang paggamit sa oras na halos wala kang gagawin ay maaari mong gamitin sa pagpaplano pa. Baka puwede kang magkaroon ng “strategy conference” kahit online lamang.
O baka naman panahon na rin ito upang pagnilayan ang maraming bagay gaya ng pamilya, anak, at ibang sangay ng iyong buhay na maaaring naka-kaligtaan mo gaya ng kalusugan.
Maging positibo. Lilipas din ito. Gamitin mo ang ang extrang oras na ito sa mahahalagang bagay na makapag-aangat pa sa iyong negosyo at estado sa buhay.

#5 Mag-aral

Kasalukuyan akong naka-enrol online sa isang kurso na may kinalaman sa social entrepreneurship. Ginagamit ko ang mga panahon na ito ng krisis sa pag-aaral ng bagong kaalaman. Lifelong learning kasi ang isa sa mga adbokasiya ko kaya ako na mismo ang nauunang gampanan ito.
Ikaw rin sana bilang entrepreneur na malamang ay mas may oras kang gawin ito kung naka-self-quarantine ka sa iyong tahanan. Pagkakataon mo na rin siguro ito na mag-aral kahit online.
Kahit simulan mo sa pagbabasa, go ka lang. Basta payabungin mo ang iyong kaalaman sa panahong ito, ok ka.

Konklusyon

Kakaibang krisis itong ating nararanasan kasama ang buong mundo. Lahat tayo ay apektado.
Ang mahalaga ngayon ay protektahan ang kalusugan mo at ng mga taong nakapaligid sa iyo. Huwag mag-panic. Sa halip, magtiwala sa kakayahan ng awtoridad at higit sa lahat, sa kakayahan ng Diyos.
Ipagdasal ang buong mundo. Sa ngayon, ‘yan ang pinakamahalagang bagay na magagawa ng bawat isa.
o0o
Si Homer ay isang technopreneur at maaa­ring makontact sa chief@negosentro.com.