Payo ng 6 na Bilyonaryong Entrepreneur sa Amerika na Dapat Tandaan

ni Homer Nievera, CDE, CVM |  Mas maraming naging biyonaryo sa Amerika noong pumasok ang Internet at lumago ang mga negosyong teknolohiya. Marami din naman ang nalugi noong dulo ng 1990’s at simula ng 2000’s dahil di naman nila kabisado ang negosyong ito.

Ngunit mas maraming naging bihasa na mga imbestor mula sa pagpasok ng 2005 na malamang ay bunga nang mga natutunan nila noong nakaraang dekada.

Narito ang ilang aral at payo mula sa mga tinatawag na “self-made billionaires”— o mga entrepreneur na naging bilyonaryo dahil nagsikap sa kanilang sarilig pagpupunyagi.

#1 Isang sugal ang pagnenegosyo

Para kay David Moskovitz, isa sa mga co-founder ng Facebook, kailangan mong isipin na ang pagnenegosyo ay maihahantulad sa isang sugal na walang 100% na kasiguraduhang pagiging matagumpay.

Lal una daw sa pagtayo ng isang startup – o bagong negosyo, kung saan ang tsansang maging bilyon-pisong negosyo ito ay maliiit lamang. Kailangan ng ibayong pagtitiyaga at hindi daw glamoroso ang gawaing nakapaloob dito. Ayon kay Moskovitz, mas mainam pa nga ang sumama sa isang malaking kumpanya kung pera lang ang habol dahil na din sa suweldo.

Ngunit, sabi niya, ang tingin niya kasi sa pera ay di para ito kamkamin kundi para ito ibalik sa sistema at maraming tao ang makinabang. Si Moskovitz ang founder ng Asana, isang kumpanya na tumutulong mamahala ng mga proyekto at ng Good Ventures na isa namang foundation.

#2 Huwag agad umalis sa trabaho habang nagsisimula sa negosyo

Si Sara Blakely ang bilyonaryong founder ng Spanx, isang kasuotang pambabae. Ayon sa kanya, mas mainam na isaayos muna nang maigi ang itinatayong negosyo hanggang sa maging tuloy-tuloy na ang kita nito na kaya ka nang buhayin.

Sabi ni Blakely, di naman daw naging madali ang pag-uumpisa niya sa negosyo kaya kinailangan niyang magptuloy pa din sa kanyang trabaho hanggang sa maging okay na siya sa aspetong pinansyal.

Ako nga mismo ay ganun din ang nangyari. Hangga’t di kinaya ng aking negosyo ang pang araw-araw naming gastusin, nagpatuloy pa rin akong pumasok sa trabaho. Noong kinaya nang negosyong tustusan ang aming regular na pangangailangan, tsaka na lang ako nag-resign sa pinagtatrabahuhan ko.

#3 Maging mabilis sa galawan sa negosyo

Si John Doerr ay isang bilyonaryong kapitalista na naging imbestor sa mga kumpanyang Facebook, Yahoo, Zynga, Amazon, Google at iba pang matagumpay na mga kumpaya sa larangan ng Internet at teknolohiya. Ayon sa kanya, ang pagiging mabilis sa pagnenegosyo ay nangangahulugang mabilis kang kumilos (tipong, ngayon na!) dahil ang ginagalawan mong industriya ay marami ding kakumpitensya. Para sa kanya, kung sino ang mas mabilis kumilos ay siya din ang magtatagumpay.

Ilang ideya na ba ng negosyo ang iyong napag-isipan at di nasimulan o napalampas – at may ibang gumawa at nagtagumpay? Naku, ako, marami-rami na! At siyempre, lubos akong nanghihinayang dahil sana, ako ang yumaman, hehe!

Tandaan na sa larangan ng teknolohiya napakabilis ng pagpalit nito. Ang kumpanyang Intel ay kilala noon sa paggawa nang mas mabilis na processor para sa PC kada anim na buwan. Kaya marahil ang maraming kalaban nila ay nag-pa-plano pa lamang, samantalang sila, nailabas na.

#4 Tumutok sa mga industriyang malaki ang balik sa iyo bilang negosyante

Ang bilyonaryong si Vinod Khosla ay siya ding co-founder ng isa sa pinakamalaking kumpanya noong dekada 1990’s hanggang 2010 kung saan nabili ito ng Oracle sa halagang $7.4 bilyon. Ayon kay Khosla, dahil na din maraming beses kang puwedeng matalo o malugi, dapat, ang industriyang pipillin mong pasukan ay malaki ang maibabalik sa iyong hirap at puhunan.

Sa isang pitak ko, nabanggit kong ako’y nagsimulang magnegosyo ng Chocnut noong elemetarya pa lang ako. Dahil mahirap magbenta dahil na din sa kumpetisyon sa aming paaralan (gaya ng canteen at mga vendor sa labas ng eskuwelahan), nagsipag ako at nagkaroon nang halos 60% na margin ng kita. Ang lahat ng kinita ko noon sa pagbebenta ng Chocnut ay naging puhunan ko sa pagpaparenta naman ng komiks.

#5 Magkaroon ng sapat na perang matitipid para sa mga emergency

Si John DeJoria ay mas kilala sa produkto niyang alak na Patron ang brand. Ngunit kakaunti lamang ang nakakaalam na ang una niyang nagging negosyo ay may kinalaman sa pagsasaayos ng buhok. Sabi ni DeJoria, dito niya noon naranasan ang hirap sa cash flow. Madalas daw na nahuhuli sila sa pagbabayad ng mga bayarin.

Para kay DeJoria, dapat daw ay may anim na buwang kutsyon ka na cash para di ka mamroblema sa mga bayarin hanggang sa maging maayos na ang cashflow mo.

#6 Mamuhay ng simple at mag-invest sa sarili

Kung meron akong super-idol sa pagnenegosyo, yan si ang super bilyonaryong si Warren Buffet, na may-ari ng Berkshire Hathaway, isang kumpanyang namamahala ng bilyon-bilyong investment ng mga tao at kapwa-kumpanya.

Para kay Buffet, ang pamumuhay nang simple ay isang malaking katangian dahil ito ay nagpapakita ng kababaang loob. Hanggang sa kasalukuyan, nakatira si Buffet sa bahay na kanyang nabili sa halagang $37,500 noon pang 1957. Siya pa din ang nagmamaneho nang kanyang sasakyan hangga’t kaya pa daw niya. Madalas daw siyang bumili nang murang agahan mula sa McDonald’s.

Noong kabataan niya, mahiyain si Buffet. Kaya minsan, nag-enrol siya sa kursong Public Speaking mula sa kilalang institusyon na Dale Carnegie. Matapos nito, nagkaroon daw siya ng lakas ng loob upang makapag-propose sa kanyang magiging asawa. At mula noon, di na nahihiya pa si Buffet at tuluyan nang lumaki ang negosyo.

Sabi ni Buffet, ang lahat ng iyong matututunan – o edukasyon – ay di na makukuha pa ninuman mula sa iyo. Ni hindi daw ito kayang patawan ng buwis! May katwiran, di ba?

Kaya sa ganang akin, itong payo ni Buffet ang pinaka-mahalaga para sa akin. Lahat ng mga ibang payo na nakasulat dito ay kasunod na din nito.

Tandaan na sa lahat ng bagay, maging mapagkumababa at huwag unahin ang paghangad na yumaman. Mas hangarin ang kaligayahan ng Diyos at kalinisan ng intension sa kapwa.

Sa lahat ng gawain, ipagdasal ang mga ito.


Si Homer Nievera ay isang technopreneur. Mag email lang sa kanya ng mga katanungan ukol sa pitak na ito sa chief@negosentro.com.