branding sa negosyo

Bakit Mahalaga ang Branding sa Negosyo?

ni Homer Nievera, CDE, CVM | Ano sa palagay mo ang pinaka-popular na toothpaste? Kung Colgate ang sagot mo, tama ka! Kung tatanungin ko naman kung ano ang pinaka-popular na search engine, malamang ang sagot mo naman ay Google. Tama na naman yun!

Malaking halaga ang naibabahagi ng isang brand sa pagpapa-unlad ng isang negosyo. Di dapat ibinabale-wala ang branding. Ano nga ba ito?

Ang branding ay ang pag-posisyon sa iyong produkto o serbisyo sa pamamagitan ng kakaibang pangalan o pagpapaalala sa iyong merkado kung sino ka at ano ang katauhan mo. Yan ang pagkilala ng mga kostumer mo sa yo. Kaya naman kung popular ang brand mo, binibili ka higit sa iba.

#1 Posisyon sa isipan

Alam mo ba na ang pinaka-mahalaga sa branding sa negosyo ay ang kakaibang pagposisyon sa isipan ng mamimili kung sino ka bilang produkto o serbisyo? Isa itong simbolo na kumakatawan sa iyong produkto o serbisyo.

Isang halimbawa ay ang gasolinang Caltex. Alam niyo ba na tuwing nagpapakarga ako ng Caltex (gasolina man o diesel) sa aming mga sasakyan, sumasagi sa isip ko ang komersyal sa TV kung saan tila nililinis ng mga tao ang aking makina? Yan mismo ang nagagawa ng branding. At ayun na nga – Caltex lamang ang ikinakarga ko sa aking mga sasakyan. Bukod pa ditto, pati langis sa kotse, Caltex na din ang gamit ko. Kahit pa sa anong talyer o gasolinahan ako magpapa-change oil, may dala akong Caltex na langis.

#2 Posisyon sa merkado

Kung nais mong lumamang man o makaaakit ng ibang kostumer patungo sa iyong produkto o serbisyo, branding ang kailangan.

Noong ako’y nagtatrabaho pa sa “ahensiya” o advertising agency, nahawakan ko ang brand na San Miguel Beer, partikular ang Pale Pilsen. Dito ako unang nahasa sa mga istratehiya sa branding. Natutunan ko na mahalagang ma-protektahan ang posisyon mo sa merkado lalu pa’t nangunguna ka. Kaya naman noong naglabas ang San Miguel ng iba’t ibang sukat ng Pale Pilsen gaya ng Miguelito at Grande, Nakita ko agad ang mga istratehiyang ilaban ang dalawang laki ng Pale Pilsen na ito sa mga bagong salta na mga brand ng beer noon gaya ng Beer Hausen (ng Asia Brewery) at pati na rin ang mga inuming alak sa probinsiya. Bukod sa lasa, yung matitipid mo sa malaki man o maliit na Pale Pilsen ay sapat na iposisyon nang maayos ang brand ng beer na San Miguel para ma-protektahan mula sa mga kalaban.

Isa pang halimbawa ay ang mga produktong Organic at Herbal gaya ng Daila Herbal. Kung di niyo pa naririnig o nakikilala ang brand ng Daila ay dahil na din na di kayo ang merkado nito. Ngunit dahil namamayagpag ang brand na ito, alamin natin kung bakit at paano. Simple lang. Dahil na din ang Daila Herbal at Organic na mga produkto ay totoo sa kanilang brand — herbal at organic.

#3 Posisyon sa Bulsa

Sa dulo, ang benta ng isang produkto ang iyong nasa isipan kung gagawa at gagamit ka ng mga istratehiya sa branding. Paano bai to ginagawa?

Sa una, kailangan mo ng pagsasaliksik upang makita mo ang mga ginagawa (o di ginagawa) ng iyong mga kalaban na produkto o serbisyo. Isulat ang lahat ng ito at i-organisa. Kapag naayos mon a ang mga datos, makikita mo na kung ano’ng mga puede mong gawin para maiba ang iyong brand sa kalaban.

Tingnan nyo ang mga motel. Tiyak namang kalaban nila ang mga mas malalaki at magagarang hotel, di ba? Kaya naman para lumaban sa malalaki, naisip nilang ibahin ang target na “bulsa” na sa simula ay ang masa. Inayos nila ang ang presyo na naaayon sa ilang oras (walong oras, halimbawa). Mas mura nga naman lalabas kung tattlo hanggang walong oras lamang ang babayran ng kostumer kaysa buong araw (24 oras?). Inayos din ng mga motel ang disenyo ng mga kuwarto na naaayon sa panlasa ng bawat kostumer.

Ngayon, naiposisyon na ng mga motel sa pagsasakutaparan ng mga bridal shower, stag party, at iba’t ibang mga kasayahan na mas mura sa mga hotel. Naisakatuparan nila ang tamang branding sa buong industriya ng mga hotel.

Sa ngayon, ano’ng posisyon ng iyong brand laban sa mga kalaban? Pag-isipang mabuti at simulan na ang masusing pag-aaral.

Si Homer Nievera ay isang serial technopreneur at makokontak sa chief@negosentro.com

Branding sa Negosyo

4 na Rason Bakit Mahalaga ang Branding sa Negosyo

ni Homer Nievera, CDE, CVM | Madalas mong naririnig ang salitang “brand.” Madalas din napapagkamalang magkapareho ang salitang brand sa salitang “product”(o produkto).

Ang brand ng isang produkto mo ay siyang nakikilala sa merkado, maliban na lang kung ang prdukto mo ang pinaka-una sa kategorya o industriya nito. Gaya ng Colgate na naging katapat na ng salitang Toothpaste. Gayundin ang Gasul na naging katapat ng LPG. Sila kasi ang ilang lang na nauna sa ganung klase ng mga produkto noon. Kaya naman sa madaling salita, ang isang brand ang siyang  nakalagay sa label ng produkto.

Bakit nga ba mahalaga ang branding? Tara, talakayin natin.

#1 Kailangan ng mapagkikilanlan ang produkto o serbisyo mo

Higit pa sa logo mo ang branding sa negosyo mo. Ang akala kasi ng karamihang negosyante, kung may kakaiba at natatanging disenyo ang logo mo, ok ka na. Hindi po ganun iyon. Sa kabilang banda, ang “katauhan”ng iyong logo ang mas mahalaga sa mga kostumer.

Tanungin mo ang iyong sarili kung ano katauhan na pumapalibot sa brand mo. Ito kasi pagkikilanlan ng negosyo mo. Pag-isipan ang katauhan ng brand na Jollibee sa pamamagitan ng mascot at logo nito. Ano ba ang sinisimbolo ng mga ito?

#2 Simbolo ba ng tiwala ang iyong brand?

Ang mga malalaking pribado na ospital sa Pilipinas at madalas na may mga simbolo na may kasamang krus at kulay na puti. Bakit nga ba? Dahil ang mga sinisimbolo nito ay tiwala.

Mahalaga kasi sa mga kostumer ang mga brand na sumisimbolo sa kanilang pagtitiwala na maayos o magaling o mabisa ang produktong binebenta mo. Pinaghirapan kasi nila ang perang ipapambayad sa yo kaya importante ang pagkumbinse sa kanila na maayos at katiwa-tiwala ang produkto mo.

Kaya naman sa lahat ng bagay na sisimbolo sa brand mo, saliksiking mabuti kung lalabas ang pagtitiwala ng mga kostumer mo.

#3 Sino o ano ang maaalala ng mga kostumer mo?

Natanong mo na ba sarili mo kung bakit may mga kinukuhang mabibigat na endorser ang mga produkto ng mga malalaking kumpanya? Bakit ang daming ine-endorso ang mga tulad ni Sen. Manny Pacquiao?

Bukod sa tiwala na maaaring dala nila, ang kredibilidad nilang “mailako” ang kanilang mga produkto sa pamamagitan ng “brand recall.” Ang “brand recall” ay nangangahulugang naididikit nila ang brand mo sa endorser kaya mas mabilis maalala ang brand mo ng mga kostumer.

Di naman ganun kasimple lang yun ha. May kasamang pagsasaliksik din ang pagkuha ng mga endorser. Di kasi lahat ng endorser na sikat ay naaayon sa personalidad ng brand mo. Maging masinop sa bagay na ito.

#4 Motibasyon sa mga empleyado ang dala ng tamang branding

Ang maaaring dala na motibasyon sa mga empleyado mo ay isa ding rason kung bakit mahalaga ang branding. Bakit ba ang daming nais magtrabaho sa mga tulad ng San Miguel, BPI, Google at Facebook? Bukod sa maaaring magandang sweldo o benepisyo, ang “bragging rights”ay mahalaga, lalu na sa mga milenyal. Ang pagtrabaho din sa mga katulad nitong mga kumpanya ay makakatulong sa mga susunod pang trabaho nila.

Ganyan kahalaga ang branding sa motibasyon ng mga empleyado. Kung nagsisimula ka pa lang na negosyo, isama mo ang iilang empleyado mo sa pagsasalarawan ng iyong branding. Sila din kasi ang unang tuulong upang mapalaganap ito na ibebenipisyo ng buong kumpanya.

Ikaw, ano ang branding mo sa sarili mo?


Si Homer Nievera ay isang technopreneur. Mag email lang sa kanya ng mga katanungan ukol sa pitak na ito sa chief@negosentro.com.