5 Tips Para Umpisahan ang Negosyong Gustong-gusto Mo

ni Homer Nievera, CDE, CVM, CCM | 5 Tips Para Umpisahan ang Negosyong Gustong-gusto MoMagandang araw, ka-negosyo! Handang-handa ka na bang sumubok magtayo ng online negosyo mo? Gigil ka na bang tumulak sa bagong mundo ng mga entrepreneur?

Kung nagtatrabaho ka ngayon at tila duda sa kakayahan mong mag Negosyo, tamang tama ang edisyon ng pitak na ito.

Tuloy tuloy pa rin ang ating pagbibigay ng mga tips ukol sa pagnenegosyo. Ngunit sa pitak na ito ngayon, aatras muna tayo nang kaunti upang makahabol ang mga bagong salta. Bubuksan natin ang isipan ng mga nais magsimula.

O ano, tara na at matuto kung paano magsimulang i-negosyo ang bagay na gustong-gusto mo.

#1 Huwag ka munang mag-resign sa trabaho mo

Kung akala mo ay sasabihin kong mag-resign ka na agad sa trabaho mo ngayon, hindi po!

Sa halip, sasabihin kong maging praktikal ka. Tandaan mon a may mga taong umaasa sa yo ngayon at di mo sila maaaring biguin dahil lamang sa pagnanais na makipagsapalaran sa pagnenegosyo.

Marami na akong kilala na tumulak sa pagnenegosyo sap ag-alis sa kanilang tranaho nang hindi pa talaga handa sa pagiging entrepreneur. Ayun, nabigo sila, sumama ang loob, at tuluyan nang di bumalik sa pagsubok sa pagnenegosyo.

Ano ang dapat gawin? Gawin ang tinatawag na extra mile para sa pagsisimula mo.

Noong ako’y nagsiumulang magtrabaho, napunta ako sa pagbebenta ng mga magazine subscription at mga libro. Yun ang una kong naging trabaho – sa sales!

Kahit noong mga panahonmg iyon, nais ko nang magnegosyo. Ngunit, alam ko din na di pa sapat ang kaalaman at ekspiryensya ko. Ang pinakamalapit sa pagnenegosyong nagawa ko ay ang pagtayo ng maliit na canteen sa isang kumpanya ng bus sa Pasay. Kasama ko noon ang girlfriend ko (na asawa ko na ngayon). Tuwing tanghali, pupunta ako sa canteen naming upang tumulong. Pagkatapos nun, babalik ako sa pagbebenta. Natuto tuloy ako kung paano makipagsalamuha sa iba’t ibang tao at sa paggawa ng lahat ng bagay sa pagka-canteen. Mula sa pagsandok ng kanin, pagluluto, pagkakahera, at pati na din pagliligpit, paghuhugas at paglilinis. Lahat yun ginawa ko.

#2 Gawing ang mga bagay ng “Baby Steps”

Noong nagka-canteen kami, naging tila sideline ko yun. Yung mga nakuha kong komisyon ay ginamit kong dagdag puhunan sa canteen namin.

Habang ginagawa ko yun, naisip kong gawing tila isang negosyo na din ang pagbebenta ko ng mga magazine subscription at mga libro sa iba’t ibang opisina. Naisip ko na maaari ko din sigurong gawing negosyo ang ginagawa kong trabaho. Sa totoo lang, may mga naging kasamahan ako noon na ganun nga ang ginawa.

Dahil dun, nagsimula akong magplano at saliksikin ang industriya ng pagbebenta ng magasin. Yun tila ang naging “baby steps” ko. Unti-unting lakad lang tungo san ais marating na Negosyo. Kasi nga, kahit nung high school pa lang ako, yung pagbebenta ng magasin ang ginagawa ko. Naging full-time na trabaho ko noong mga panahong iyon, at naisip na baka yun din ang maging negosyo ko.

Nagsubok akong maghanap ng mga supplier ng mga magazine at libro. Nalaman kong galling pala sa abroad ang halos lahat ng mga babasahin, at malaking kapital din pala ang ilalabas ko upang makapag negosyo nun.

#3 Alamin ang puede mong i-offer

Dahil na din sa alam ko sa puso ko na media ang magiging negosyo ko, nagsaliksik pa din ako sa mas malaking mundo na ginagalawan ko noon. Mula magasin, inalam ko ang mundo ng telebisyon, radio at diyaryo.

Nalaman kong ang puede ko pa lang mai-offer ay mas malawak pa kesa sa mga subscription lamang ng mga magasin. Puede din palang kumita nang mas malaki mula sa pagbenta ng patalastas o advertising.

Ano’ng ginawa ko? Ayun, nag resign ako sa kumpanya na nagbebenta ng subscriptions, iyun ay kahit pa naging sliver medalist ako sa pagkakaroon ng ikalawa sa pinakamalaking benta sa unang taon ko palang sa sales.

Saan naman ako pumunta? Nag apply ako sa pinakasikat at pinakamalaking ad agency noon sa Pilipinas. Nag desisyon akong pumasok sa media department upang matutunan ko ang lahat nang patungkol sa larangang napili kong i-offer.

#4 Matuto ka sa ibang tao

Ang posisyong ibinibigay sa akin noon ay bilang Account Manager. Tinangihan ko iyon at sa halip ay sinabi kong sa media ang gusto kong departamento. Kahit pa mas mababa ang posisyong bukas noong panahong iyon, kinuha ko pa rin. Sabi ko, nais kong matutunan ang lahat ng maaaring matutunan ukol dun.

Ganun na nga ang nangyari. Ang pinakamagagaling na mga tao sa industroiya at departamentong iyon ang mga naging boss at mentor ko. Sa totoo lang, hanggang ngayon, ang isa sa mga naging boss ko noon ay naging ninong ng panganay ko at sa isang banda ng career ko, naging isa sa mga manager ko pa nga siya sa Amerika. Ngunit ang taong ito, ay tinuturing kong naging mentor ko sa larangan ng industriya ng media.

#5 Mag-pitch, mag-hustle, magbenta!

Fast-forward tayo ng isang dekada simula nang ako’y na-empleyo sa ad agency at sa media department, nabalik ako sa mundo ng magasin. Naging Country Sales manager na ako noon ng isa sa pinakamalaking magasin sa buong Asia. Ang hawak ko na noon ay ang pagbebenta ng advertising at subscriptions para sa magasin na tinutukoy ko. Naging boss na ako noon, ngunit pinapangarap ko pa ring magkanegosyo ukol sa larangan ng media.

Di ako tumigil. Na-master ko ang sales – o pagbebenta. Kasama na dito ang pag-pitch o pag-prisinta ng mga nilalako ng aming kumpanya.

Ang bonus dito ay nanggaling sa boss kong Briton. Inoferan niya ako ng isang deal kung saan na sa halip na sweldo at komisyon, binigyan nya ako ng pagkakataong mag Negosyo sa loob ng sariling kumpanya.

Paano?

Sabi niya, bibigyan niya ako ng tripling halaga ng komisyon kung sa halip na tumanggap ako ng sweldo, tatangap lang ako ng tinmatawag na “advance on commissions.” Ibig sabihin, kahit magkano ang puede kong tanggapin buwan buwan basta naayon sa kikitain kong komisyon sa isang taon, at hahatiin ko sa labindalawang buwan.

Ang nigari, sobrang laki ng kinita ko noon! Ngakaroon ako ng motibasyong magbenta ng magbenta na ang ginagawa ko na pala noon ay tila negosyo ko na at di ordinaryong pagtatrabaho!

Pagtatapos

Ngayon, sa laranag ng online publishing ang negosyo ko. Nakabase ang aking mga blogs sa iba’t ibang bansa dahil taga iba’t-ibang bans ana din ang aking mga mambabasa. Sa Amerika ang mga pangunahing blogs ko at ang iba ay nasa Europe, Australia, Middle East at India. Gayundin ang lokasyon ng mga nagsusulat para sa akin. Nakamit ko din ang naiplano ko nang mahabang panahon.

Mahirap maging entrepreneur. Marami kang kinakaharap sa araw-araw. Ngunit, kung kaya mong i-organisa ang iyong pag-issip at mga desisyon ukol sa iisang layunin, magtatagumpay ka rin.

Tandaan na sa lahat ng bagay, sipag, tiyaga at pagdarasal ang mahalaga.

Hanggang sa muli mga ka-negosyo!

Si Homer Nievera ay isang technopreneur. Maaari siyang makontak sa email niya na chief@negosentro.com