Paano Dapat Ayusin ang Iyong Home Office sa Panahon ng MECQ

ni Homer Nievera, CDE, CVM | Kumusta ka-negosyo? Nasanay ka na bang magnehosyo sa iyong home office – o opisina sa bahay – sa panahon ng lockdown? Ngayon kasi, siguradong gigil na ang mga taong lumabas at bumalik sa opisina. Trapik na malamang ngayon sa ilang pangunahing lansangan o highway.

Pero teka, di dahil naging MECQ na o GCQ sa iba, pakatandaan na meron pa ring umiiral na Community  Quarantine. Ibig sabihin nito, di pa lubusang bukas ang lahat ng negosyo at mahigpit pa rin ang pinapairal na social distancing at pagsuot ng face mast at iba pa.

Ngunit sa totoo lang, kinailangan na ding makabawi kahit paano ang ekonomiya ng Pilipinas kaya nag MECQ. Tandaan na sa kasalukuyan, ang mga kumpanyang maaari nang bumalik sa trabaho ay 50% lang ang pinapayagan na nasa opisina at 50% ang work-from-home.

Dito pa lang, alam mo na kailangan mong i-maintain pa rin ang iyong home office. Anu-ano ba talaga ang kailangan mo para sa maayos na opisina kung work-from-home (WFH) ka?

O siya, tara na at matuto!

#1 Tingnan muna ang operasyong gagawin mo bilang WFH

Sa ating perspektiba, ikaw ay isang negosyante. Maaaring may ilang tao ka na nasa opisina o depende kung ano ba talaga ang negosyo mo, di ba?

Alam mo naman din siguro na dahil kailangan ng social distancing sa kumpanya mo, di talaga puwedeng nasa 100% na nasa opisina lahat ng tauhan mo, kasama ka – anuman ang iyong negosyo.

Dahil ikaw ang boss (malamang naman siguro!), dapat kaya mong ayusin ang setup ng opisina mo sa bahay ayon sa operasyong iyong pamamahalaan.

Halimbawa, kung ikaw ay nasa manufacturing, dapat may supervisor ka na nagmamando nang personal sa mga tauhan. Dapat siguro may isa kang executive assistant na nasa opisina, at kung sinu-sino pa na siyang pisikal mong tao na nadun para magmando ng mga tao.

Sa operasyon ko kasi, lahat kami naka work-from-home na kaya mas madali ang operasyon at ugnayan namin dahil lahat digital na. Sa pitak na ito, ibabahagi ko ang ilang ginagawa at ginagamit naming tools na puwede niyo ding gamitin.

#2 Malakas na Internet

Di na siguro kaila na sa panahon ng ECQ, napakalaking bagay ng malakas na Internet sa bahay, di ba? Kung di ka pa lumilipat mula DSL papuntang Fiber Optic na wifi, ngayon na dapat. Kung kaya mo ng 50 mbps, mas ok.

Bonus na yung maayos kang nakaka-stream ng Netflix. Pero ang talagang pakay mo ay kayanin ng wifi mo ang mga iba pang video streaming na kakailanganin mo sa komunikasyon. Isipin mo din na malamng, di lang naman ikaw ang gumagamit ng Internet sa bahay, di ba?

Sa totoo lang, sa aming tahanan, tatlo na kaagad kaming naka-WFH. Yung dalawa kong anak kasi ay automatic nan aka work-from-home dahil na din sa uri ng kanilang trabaho kung saan sinabihan talaga silang mag WFH.

Ang isang anak ko nga, hanggang Oktubre daw na siguradong WFH siya, at isa ko naman anak ay kailangang manatili sa bahay dahil ang panganay ko ay fronliner – isa siyang duktor – kaya sa building daw nila, kailangang 21 araw daw ang automatic quarantine niya kung sa bahay umuuwi ang kapamilyang frontliner. Yun nga lang, dalawang beses sa isang lingo ummuwi ang duktok kong anak. Kaya automatic na WFH siya talaga.

At dahil nga naka fiber kami, ok lang na sabay-sabay na gumagamit ng wifi at nag stream kami ng videos at gamit sa komunikasyon.

#3 Download ka ng Zoom

Kung wala ka pang Zoom app, mag-download ka na agad. Ang tanong talaga diyan ay nasaan ka ban ang mga panahong ECQ at wala kang ka-Zoom?

Para saan ba ang Zoom? Isa itong video conferencing app na maayos ang uri ng video na nagagawa nito sa pagitan ng maraming ka-video conference.

Sa aming pamilya, sobrang gamit ang Zoom kaya kumuha na ako ng Pro version nito dahil hanggang 100 na tao ay kaya naming maka-video. At dahil may mga hino-host akong conference, yung version ko ng Zoom ay kayang mag Livestream sa Facebook o Youtube.

Kaya kung ang negosyo mo ay mga seminar, halimbawa, mahalaga itong Zoom app.

Libre naman ang pag-download. Yung free version ay hanggang 40 minuto ang puwedeng gamit nito. Mag-reconnect ka na lang kung matapos na ito.

#4 Isang Maayos na PC o Laptop

Di na siguro kaila sa yo na kailangan mo ng maayos na PC o laptop di ba? Sa totoo lang, may mga kilala nga ako na pinauwi na sa kanila ng opisina ang kanilang PC sa bahay nila habang naka WFH. Sa katunayan, yan din ang una kong pinagawa sa mga kasamahan ko sa opisina nang mag WFH kami nung nakaraang taon.

Ano nga ba ang specs ng laptop o PC na dapat na gamit mo habang WFH?

Depende kasi sa uri ng trabaho o negosyo mo ang specs ng laptop o PC mo. Ang mahalaga, may camera ito para sa video conferencing at merong maayos kang headset o earphones.

Ako, gamit ko kasi ay Macbook Air na laptop at eto ang gait ko sa pag-Zoom. Wala kasing camera ang PC ko. Kaya nga umorder na ako sa Lazada ng camera para magamit ko sa Zoom sa PC ko din.

Minimum na may 4gb kang RAM (mas ok ang 8gb siyempre!) para sa mga video. Ngayon kasi, mas ok ang may 1tb kang hard disk kung PC. Sa PC ko kasi, bukod sa 1tb na had disk, meron akong nakakabit na 6tb na backup disk. Dun ko nilalagay ang lahat halos ng files ko para automatic na ang pag backup. Kaya ang payo ko, magkabit ka din ng external hard drive sa PC mo (laptop) para sa backups.

#5 Ergonomic na Upuan at Maayos na Mesa

Kung mga walong oras kang nakaupo, dapat talaga ergonomic ang iyong upuan. Mahalaga ang pagsaayos ng iyong pag-upo lalu na sa iyong likod.

Ako, nakaka dalawang palit na ako ng upuan dahil sa paggamit ko ng matagal nito. Nagpasadya na din ako ng mesa ko para sa laki nito at taas.

Ang payo ko, pumili ka ng matibay na kagamitang mesa at upuan dahil araw-araw mo na itong gagamitin.

Konklusyon – Maayos na Workspace

Ang pinakamahalag sa lahat ay ang isang maayos na workspace. Iyong di nakahalo ang trabaho sa sala o hapag kainan.

Ang mga anak ko kasi, kung saan-saan sila nagtatrabaho sa bahay. Meron silang mga portable na mesa at upuan. Milenyal kasi. Gusto daw nila, paiba-iba ang lugar na pinagtatrabahuhan.

Ako naman, naisaayos ko na ang workspace o workstation ko sa bahay nung isang taon pa. Ayaw ko kasi ng distraction, pero gusto ko, malapit lang ako sa bintana para sa mga pa-deliver ko.

Tandaan mon a dahil WFH ka na, meron ka pa namang mensahero sa pamamagitan ng Lalamove o Grab at iba pang mga delivery providers. Yan ang mga ginagamit ko ngayon.

Mag-invest ka ng kaunti sa workspace mo dahil habang walang vaccine ang COVID 19, matagal-tagal kang naka WFH.

Tandaan, sa lahat ng bagay, dasal, tiyaga at tiwala sa sariling kakayahan ang kailangan upang mag tagumpay, ka-negosyo!

Si Homer Nievera ay isang technopreneur. Magmensahe lamang sa email na chief@negostro.com kung may mga katanungan.