| ni Homer Nievera, CDE, CVM | Limang Bagay na Ginagawa ng mga Matagumpay na Negosyo Para Umangat sa Susunod na Taon | Kumusta na ka-negosyo? Survival-mode pa rin ba tayo sa mga panahong ito? O nakaka ungos na kahit paano. Sa mga Pinoy kasi, sanayan lang yan hanggang sa makaalpas na sa krisis.

Sa pitak natin ngayon, ilalarawan natin ang mga gawaing dapat nating gawin para lalu pang mapa-angat ang negosyo mo sa susunod na taon. Karamihan kasi ng mga negosyo ngayon ay nasa panahon na ng pagpaplano para sa 2021. Siyemnpre, ilang tambling na lang, Disyembre na kasi. Tapos, ayun, Bagong Taon na!

Ano nga ba ang ginagawa ng mga matagumpay na kumpanya sa mga ganitong panahon?

Alam mo ka-negosyo, nanggaling na ako sa ilan sa mga malalaking kumpanya na hanggang sa ngayon ay namamayagpag pa rin. Nanggaling din ako sa mga startup na ngayon, malaki na rin.

Kaya ibabahagi ko sa yo ang aking mga natutunan sa pamamagitan ng limang puntos sa pitak na ito.

O siya, tara na at matuto!

#1 Iakma ang layunin ng negosyo ayon sa panahon

Sab inga nang marami, ang layunin o goals ng negosyo ang siyang magsasabi kung magiging matagumpay ka o hindi sa hinaharap. Kasi, kapag mali ang layunin, at di naiakma sa istratehiya, talo ang negosyo.

Ang pinaka-simpleng gawain ay ang pagsunod sa panahon ng iyong layunin sa susunod na taon.

Katulad ngayong panahon ng pandemya. Wala naman talagang mag-aakala na hahantung tayo sag anito sa 2020 di ba? Naka-arangkada ka na siguro hanggang sa tumigil ang lahat noong gitna ng Marso. Boom! ECQ at lockdowns ang nangyari.

Sa mlyun-milyong naapektuhan ng pandemya sa loob lamang ng anim na buwan, bagsak agad ang ekonomiya at marami ang nawalang ng trabaho.

Paano mo ba maiaakma ang layunin mo sa panahong kasalukuyan? Alam mo na ang health protocols, di ba? Alam mo na lahat ay back to basics. Kaya yan ang layunin mo din. Ibalik ang lahat sa pinakasimpleng pagnenegosyo, gamit naman ngayon ang teknolohiya sa abot nang makakaya mo.

Isang halimbawa ng layunin ay ang pag-sisigurong magawa ang ecommerce website mo sa loob ng isang buwan at makaabot nang higit sa kalahati sa naging kostumer mo noong wala pang pandemya.

Isa pang halimbawa ng bagong layunin na naaayon sa panahon ay ang pagkakaroon ng lubos na training ukol sa social media para sa mga tauhan upang makatulong sa pag-promote ng mga produkto mo sa social media.

Marami pang puwedeng gawin pihit sa layunin mo. Ang mahalaga, magsimula ka dun sa alm mong kakayaning magawa sa agad.

#2 Paggamit ng teknolohiya

Tandaan mo na ang teknolohiya ang siyang magpapantay-pantay ng mga negosyo lalu na sa panahon ng krisis kung saan lahat apektado.

Maliit lamang ang team ko na nasa Manila nang may patungkol sa serbiyong SEO dahil na din ang mga blogs ko ay nakatuon abroad. Nang magpandemya, dumami ang mga naging kliyente ko na kinakailangang serbiyuhan ng maliit na team ko sa Manila.

Namili ako nang iba’t ibang teknolohiya upang makatulong sa mga gawain. Dahil dito, di na ako nangailangan ng dagdag na tauhan maliban sa manaka-nakang pag outsource.

Malaki ang naitulong ng teknolohiya sa pagbawas ng trabaho. Ganun din sana sa Negosyo mo. Kung ano ang teknolohiyang makakapagpabawas ng trabaho upang mas importante ang gawin ng mga tao mo, mas ok.

Magsimula ka sa pagsilip ng mga trabahong puwede naman palang isang software tool ang gagawa kesa sa tao mo pa ang gagawa. Marami pa kasing bagay na puwedeng gawin ng mga tao mo. Ito ang mas magpapa-angat ng lebel ng trabaho mo at lalakas ang Negosyo mo.

#3 Mag-outsource ng ibang gawain

Kahit sino ka pa at gaano man kalaki ang Negosyo mo, kapag dumarami na ang pangangailangan, ikonsidera mo ang pag-outsource ng trabaho.

Ang pag-outsource ng trabaho ay iyong mga gawaing di mo naman core na gawin. O kaya naman ay iyong alam mong malaking oras ang gugugulin at di kakayanin ng mga tao mon a malamang, regular na sa trabaho.

Hanapin mo ang mga gawaing dapat mo nang i-outsource.  Ipaubaya mo ang mga gawaing mas kaya ng mga eksperto.

Isdang halimbawa ang SEO management na parte ng negosyo ko. Masalimuot at napakaraming detalye at gawain ang pag-SEO. Kaya naman sa amin ibinibigay na ngayon ng mga kliyente naming ang gawaing ito bilang outsource na kumpanya nila. Bakit? Sa SEO kasi, bukod sa maraming gawain ang nakasalalay dito, nagbabago halos buwan-buwan ang mga algorithm ng Google. Madibdibang pagsasaliksik ang ginagawa dito bukod sa pagsusulat ng mga blog at artikulo na dapat ay umayon sa algorithm na nabanggit ko. Nakakakulta ng utak!

Yun din ang pagkakaalam ng mga kumpanya ngayon, lalu na’t naglilipat na sa website ang tutukan ng digital marketing.

Ikaw, ano ang mga gawaing dapat mo nang i-outsource?

#4 Pagpapatibay ng kultura

Ano ba ang kultura ng Negosyo mo ngayon? Tinututukan mo ba ito ka-negosyo o di mo na lang pinagtutuunan ng pansin?

Naku, napakahalaga ng kultura sa isang kumpanya. Ito pa nga mismo ang nagsasabi kung magtatagumpay ang isang Negosyo o hindi sa hinaharap na maraming panahon.

Ang kultura ng Facebook, halimbawa ay nakasalalay sa inobasyon ng mga tauhan. Meron silang motto na “Done is Better than Perfect.” Ano ba ang ibig sabihin nito?

Sa mga kumpanyang nasa tech gaya ng Facebook, mahalaga ang mabilisang gawain. Kasi nga, laging may nakabuntot na kakumpitensiya. Kaa di mo na daw dapat gawing perkpekto ang isang gawain dahil bago mo pa ito magawang perpekto, may mga bagong tech na nagawa. Kaya para sa Facebook, basta matapos lang, ok na, at tsaka na pagtuunan ng pansin ang mas perpektong gawain.

Ang mga kultura na may kinalaman sa pagiging on-time, masinop, matipid at matapat ay ilan lamang sa mga maaari mong makuha ng mga katrabaho mo.

Ikaw, ano’ng kultura ang dapat mong i-levelup pa at ipagpatuloy?

#5 Mga-coach o mag-mentor

Ang pagkakaroon ng maayos na Sistema ng pag-coach o pag-mentor ng mga tauhan ay isa sa pinakamahalang gawain na magpapa-angat sa isang negosyo. Bakit?

Ang bawat tauhan sa kumpanya mo ay may kakulangan o may angking talino na angat sa iba bunga ng haba ng ekspiriyeynsya o ano pa mang dahilan.

Ang pagkakaroon ng ganitong programa ay makakatulong nang malaki sa sa pagboost ng morale at kaalaman sa buong negosyo mo.

Subukan mo munang kausapin ang mga lider mo ay i-train sila sa gawaing pag-coach. Sila ay yung mga mga supervisor man o boss.

Malaking bagay ito di lamang sa paglago ng kaalalam nila, nagkakaroon pa ng mas matibay na relasyon ang mga tauhan at boss sa kumpanyta mo.

Konklusyon

Sa panahon ngayon ng pandemya, maraming challenge ang kinakaharap nating lahat. Simulan mo lang ng tamang unang hakbang bago ka sumipa sa mga istratehiya mo. Simulan mo sa tamang layunin kung saan mo gustong maipuwesto ang sarili mong negosyo sa 2021.

Sa panahon ngayon at kailan pa man, ang mahalaga ay laging kang magdasal at magtiwala sa Diyos na Siyang may tunay na hawak ng magagandang plano para sa iyong buhay. Sipag at tiyaga at ang maayos na relasyon sa kapwa ay pangalagaan lagi – anuman ang marating mo sa buhay.

Si Homer ay isang technopreneur at makokontak sa email niyang chief@negosentro.com

(Visited 3,515 times, 1 visits today)