ni Homer Nievera, CDE, CVM | Noong Biyernes ng hapon, nagkita kami ng isang batang entrepreneur na aking mine-mentor. Napansin ko na magkasunod na araw ko na itong ginagawa sa loob ng isang linggo. Sabi nga ni Jack Ma, ang bilyonaryong founder ng Alibaba, pagdating mo daw ng singkwenta anyos, legasiya na daw ang iyong gagawin sa pamamagitan ng pagtututro o pag-mentor sa kabataan.

Kaya naman naisip kong ibahagi sa mga sumusubaybay ng aking pitak ang pagsilip sa isang araw sa buhay ko bilang Pinoy entrepreneur. Narito ang aking salaysay.

Saan Ako Nagsimula

Nagsimula ako sa pagnenegosyo noong elementarya pa lang ako sa Don Bosco Makati. Nagbebenta ako ng Chocnut sa mga kaklase at nagpaparenta ako noon ng komiks (Marvel, DC etc.). Ginagawa ko ito tuwing hapon kung saan maraming tumatambay na estudyanteng nag-aantay ng sundo.

Noong high school, nagsimula akong magbenta ng mga magazine subscriptions at pagdating nang kolehiyo, nag-prodyus ako ng mga concert.

Nagtrabaho din ako sa mga kumpanya gaya ng mga ad agency at malalaking multinational hanggang sa mapadpad akong uli sa media kung saan mas nagustuhan ko hanggang sa dumating ang Internet. Nagtrabaho ako sa global team ng Friendster at Multiply na naging simula ko sa pagnenegosyo online. Nagtayo ako ng negosyo sa Amerika hanggang sa maibenta ko ito at umuwi sa Pinas upang makatulong sa mga startups.

At heto ako ngayon, nag-publish ng 20+ na blogs na binabasa sa buong mundo. Nakabase sa abroad ang aking mga blogs at dahil sa Internet, puwede akong magtrabaho kahit saan.

“Almusal Namin ni God”

Nagsisimula ang aking araw sa tinatawag kong “Breakfast with God.” Ganun nga talaga ang ibig sabihin nun. Nagtitimpla ako ng kape at kasama ang isang maliit na pakete ng biskwit ay nagdarasal sa harap ng aming altar. Sa iba, maaaring meditasyon ang tawag nila ngunit sa ganang akin, sinisimulan ko ang araw ko sa pagdarasal.

Ganito ang una kong gawain sa unang yugto ng aking araw. Inilalatag ko sa Diyos ang lahat ng aking gagawin sa buong araw at humihingi ng basbas at direksyon.

“Projects List”

Matapos ang aking simpleng almusal, sumasalang na ako sa computer ko, habang katabi ang cellphone. Una kong sinisilip ang listahan ng mga proyekto kong tumatakbo at tinitingnan kung may miting ako sa araw na yun.

Iniisa-sa ko ang mga proyekto at tinitingnan ang mga dapat matapos sa araw na yun.

Koordinasyon

Matapos kong mai-plano ang araw ko sa pagtingin sa mga nakasalang na proyekto at pag-alam sa mga priyoridad, agad akong nag-coordinate sa mga taong kinauukulan sa mga proyekto.

Dito gumagana ang lahat ng gamit kong teknolohiya sa pag-coordinate mula sa Viber, Facebook Messenger, WhatsApp, Zoom, Skype at Email. Lahat yan ay nagagamit ko depende sa mga kausap ko.

Ang mga tao ko ay naka Viber at Messenger panigurado habang naka-abang sa kanilang mga email. Sa mga kausap ko abroad, WhatsApp, Zoom at Skype and madalas na gamit namin bukod sa Email.

Buong araw nangyayari ang koordinasyon ko.

Kapag naman ako nasa miting, patuloy ang gulong ng koordinasyon dahil palaging may nakakopyang Project Manager sa mga proyekto para masagot agad ang kaya naman nilang sagutin. Makakaantay naman ang ibang gawaing pang akin lamang.

Pagtatapos

Di tiyak ang oras ng pagtatapos ko sa trabaho sa isang araw. Ngunit kapag patapos na ako, inililista ko sa isang notebook ang mga nangyaring kailangang ausin pa kinabukasan at sa susunod pang mga araw.

Sa totoo lang, di naman talaga natatapos nang tuluyan ang mga gawain sa isang araw lamang. Ngunit kailangan mo din magpahinga at magkaroon ng oras sa pamilya.

Dahil kami na lang ng asawa ko ang ang madalas na magkasama sa bahay, Netflix ang aming libangang magkasama. Siyempre, may panahon din akong magluto na siya kong gawaing panghimagas sa trabaho.

Bago matulog, balik ako sa pagdarasal. Dito naman, pasasalamat sa Diyos ang aking dasal.

Ikaw, paano ang isang araw mo bilang entrepinoy?

Si Homer Nievera ay isang technopreneur. Maaari siyang makontak sa email niya na chief@negosentro.com

(Visited 3,614 times, 1 visits today)